Nakatakdang buksan sa katapusan ng Hunyo ngayong taon para sa mga light vehicle ang sikat na Cabagan-Sta. Maria bridge na sinimulang itinayo noong 2017 at pinondohan ng P639.6 million.
Ito ang tiniyak ni DPWH Regional Director Reynaldo Alconsel kung saan ipinaliwanag niya na sa buwan pa ng Setyembre papayagan ang lahat ng uri ng sasakyan na dumaan sa tulay.
Ang disenyo aniya ay galing sa Bureau of Design ng DPWH Central Office at ang Regional Office lamang ang project implementer.
Ayon pa sa opisyal, nagkaroon ng pagkakamali sa disenyo ng tulay na hindi akma sa istraktura nito kaya’t nagdesisyon noon ang ahensya na hindi muna ito buksan para sa kapakanan ng mga motorista.
Dahil dito, humiling pa ng pondo ang kagawaran para sa pagpapatibay ng tulay na ngayon ay malapit nang matapos at tiniyak na ligtas itong daanan ng mga motorista kasabay ng pagbubukas para sa light vehicles ngayong Hunyo.
Ang nasabing tulay ay itinayo bilang alternatibong daanan sa oras na hindi magamit ang kasalukuyang Cabagan-Sta. Maria Overflow bridge kapag umapaw ang tubig sa ilog Cagayan.