TUGUEGARAO CITY-Nag-iikot sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbibisekleta ang isang siklista na mula sa bayan ng Baggao, Cagayan para makaipon at mabigyan ng libreng bakuna ang mga katutubong Agta sa Sierra madre.
Ayon kay Reynaldo “Igman” Tarubal, long distance cyclist, naisipan niya ang “bike for a cause” para magkaroon ng pondo ang mga Indigenous Peoples (Ips) na hindi lamang manggagaling sa lokal na pamahalaan na pambili ng Covid-19 Vaccine.
Aniya, bagamat malakas ang resistensya ng mga katutubo, kailangan pa rin nilang mabakuhanan laban sa naturang virus.
Sinimulan ni Igman ang pagbibisikleta sa Brgy. San Francisco, Baggao patungong Ilocos Region at ngayon ay nasa Quezon Province na kung saan target nitong matapos ang pag-iikot hanggang sa General Santos.
May mga nagbibigay rin umano ng tulong sakanya sa mga lugar na dinadaanan.
Kaugnay nito, nanawagan si Tarubal sa mga nais na magbigay ng tulong na makipag-ugnayan lamang sa lokal na pamahalaan ng Baggao.
Samantala, sinabi ni Tarubal na bukod sa makapag-ipon para pambili ng bakuna, ay layunin din ng kanyang pagbibisekleta na matulungan ang gobyerno sa environmental awareness campaign.
Aniya, panahon na para pangalagaan ang kalikasan at makiisa sa mga programa ng pamahalaan na magtanim ng puno ng kahoy para hindi na muling maulit ang naranasang malawakang pagbaha nitong nakaraang taon.
Si Tarubal ay dating Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtrabaho sa Norwegian Polar Institute sa Svalbard subalit nawalan siya ng trabaho dahil sa covid-19.