Muling umaapela ng tulong ang Simbahang Katolika para sa mga residenteng naapektuhan ng pag-alburuto ng Bulkang Taal.

Ayon kay Jing Rey Henderson ng CARITAS Philippines, ang social action arm ng simabahan na bukod sa panalangin ay higit na kailangan ngayon ng mga mga lumikas na residente ang pagkain at tubig.

Nagpapatuloy na rin aniya ang isinasagawang rapid assesment ng simbahan, kasama ang Philippine Council of Evangelical Churches at National Council for Churches in the Philippines sa pagtugon sa pangangailangan ng mga evacuees.

Sinabi ni Henderson na apat na bayan sa Batangas ang pinaka-apektado ng pagputok ng Bulkang Taal na kinabibilangan ng Agoncillio, Laurel, Balete at Tanauan, habang patuloy ang paglilikas sa mga residente sa iba pang bayan.

Batay sa huling datos ng CARITAS, 30,524 pamilya o mahigit 80,000 indibidwal ang bilang ng mga apektadong residente sa muling pag-alburuto ng bulkang Taal.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod pa ito sa halos limang daang displaced households na mula sa siyam na munisipyo sa Batangas na malapit sa bisinidad ng Taal Lake na nasa evacuation centers na.

Binuksan na rin ng archdioceses ang mga simbahan upang magsilbing pansamantalang matutuluyan ng mga lumikas na residente habang nakapaghanda na rin ng relief goods ang Archdiocese of Lipa.

Kailangan lamang na matapos ang isinasagawang assessment ng kanilang mga diocesan social action centers para sa ibibigay na tulong.

Sa ngayon ay nakapag-abot na ang simbahan ng 1,200 mineral water bottles at halos 2,000 N95 mask upang magamit ng mga residente na proteksyon sa tumitinding volcanic smog o vog.