TUGUEGARAO CITY-Pinayagan ng simbang katolika ang paggamit sa isang eskwelahan bilang quarantine Facility para sa mga covid-19 patients sa Bayan ng Baggao, Cagayan.

Ayon kay Monsignor Gerry Perez, kura paroko ng Saint Joseph the workers Parish Church sa naturang bayan, binuksan nila ang isang building sa St. Joseph College Baggao partikular ang Archbishop Diosdado Talamayan building para tulungan ang LGU dahil sa muling pagtaas ng kaso ng covid-19 sa lugar.

Una rito, sinabi ni Father Perez humingi ng tulong ang Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF)-Baggao na gawing quarantine ang naturang eskwelahan na agad naman nilang inaprubahan.

Aniya, mahigit 30 katao ang kayang i-accomodate ng naturang building pero ang LGU na ang maglalagay ng mga gamit na kakailangan ng mga pasyente na dadalhin sa naturang lugar.

Sinabi ni Father Perez na kaagad naman nilang pinalipat ang kanilang staff sa ibang building para hindi makompromiso ang kanilang mga empleyado maging ang kanilang mga gawain.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, nanawagan si Father Perez sa publiko lalo na ang mga nakaluluwag sa buhay na magbigay ng kaunting tulong lalo na ang makakain ng mga pasyente para matulungan din ang bayan ng Baggao.

Samantala, malapit na umanong matapos ang 40 pabahay project ng simbahan para sa mga pamilyang nawalan ng tahanan noong nanalasa ang Bagyong Ulysses sa Barangay Taytay.

Sinabi ni father Perez, maaaring sa susunod na buwan ay maari nang lumipat ang mga napiling benipisaryo sa kanilang bagong bahay.