Nanawagan ang isang grupo ng mga magsasaka sa pamahalaan na magpatupad ng floor price ng kamatis para matulungan ang mga magsasaka sa gitna ng oversupply.

Sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jayson Cainglet, na walang problema sa kanila na masaya ang marami dahil sa mababang presyo ngayon ng kamatis, subalit ang kawawa na naman ay ang producers, na sana ay mabawi man lang ang kanilang puhunan.

Dahil dito, sinabi niya na umaasa sila na magtatakda ng floor price ang pamahalaan.

Ayon sa SINAG, mula sa mahigit P300 per kilo, nasa P30 hanggang P40 per kilo na lamang ngayon ang kamatis.

Ang panawagan ng SINAG ay bunsod ng reklamo ng mga magsasaka ng kamatis na maliit na lamang ang kanilang kita ngayon dahil sa pagbaba ng presyo dahil sa marami ngayong supply ng nasabing produkto.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng SINAG na napipilitan ang ilang magsasaka na ibenta sa P5 per kilo sa mga traders ang kamatis kaysa mabulok ang mga ito at hindi mapapakinabangan.

Subalit, ito ay magreresulta umano sa maliit na kita, dahil bukod sa kanilang gastos sa pagtatanim ay kailangan din nilang bayaran ang mga nag-ani at bayad sa transportasyon.

Ngunit, naranasan na rin ang oversupply ng kamatis sa nakalipas, na nagbunsod sa ilang magsasaka na itapon o ipamigay ang mga ito.

Umapela ang SINAG na gumawa ng paraan ang pamahalaan upang matulungan ang mga magsasaka ng kamatis sa ganitong sitwasyon.