Pinaghihinalaan na sangkot sa “black market banking” ang sinalakay na isang pinaniniwalaang Philippine offshore gaming operator (Pogo) hub sa Bataan.

Sinabi ni Paocc spokesperson Director Winston Casio na may napansin sila na kakaiba sa operasyon ng Central One Bataan PH Incorporated, na matatagpuan sa Centro Park compound sa Bagac.

Ayon kay Casio, may mga napansin sila na indikasyon ng black market banking sa nasabing kumpanya.

Sinabi niya na may nadiskubre sila na maraming red flags nang isagawa ang pagsalakay sa nasabing kumpanya, na may malaking posibilidad na ito ay isang Pogo sa kabila na gunamit ang pangalang BPO, na posibleng prente lamang ng kumpanya.

Kabilang sa red flags ang maraming mobile phones na tila para pagtanggap ng payment system entries.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Casio na gumagamit din ang kumpanya ng gaming platform na Winbox.

Ang Winbox gaming platform ay ipinagbabawal sa ibang bansa dahil sa ginagamit umano ito sa cryptocurrency investment scams.

Idinagdag pa ni Casio na bagamat nahuli nila ang ilang boss ng nasabing kumpanya sa isinagawang raid, tinutugis pa ang apat na Malaysian at isang Thai national.