Nadiskubre sa Solana, Cagayan ang kauna-unahang bungo ng Stegodon, isang extinct na kamag-anak ng modern elephants.

Naniniwala ang mga eksperto na ang nasabing fossil ay posibleng mula sa “teenage” creature na bahagyang mas malaki ng bahagya sa isang average na Filipino.

Ang nasabing fossil ay nadiskubre ng isang residente sa lugar habang nagsagawa naman ng pag-aaral ang paleontologists mula sa University of the Philippines Diliman College of Science (UPD-CS) at University of Wollongong in New South Wales, Australia, kung saan inilarawan nila ito na million-year-old na bungo.

Sinabi ni Meyrick Tablizo ng UPD-CS National Institute of Geological Sciences, tugma ang katangian ng nasabing nilikha sa Stegodon mula sa mga isla ng Indonesia tulad ng
Sangihe, Sulawesi, at Flores.

Ayon sa kanya, nangangahulugan na ang mga nasabing ancient elephants ay malalakas lumangoy, na kayang tawirin ang mga dagat at island-hop, dahil walang tulay na nagdudugtong sa mga nasabing isla.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng mga eksperto na mas mahirap hanapin ang mas malalaking animal fossils kumpara sa mas maliliit.

Ayon kay Tablizo, malalaki ang bungo, may guwang, at madali lang na mabasag bago o habang kasalukuyan ang fossilization, kaya halos hindi na nila nakakaya ang libo-libu hanggang milyon-milyon na taon na manatili itong buo.

Dahil dito, sinabi ni Tablizo na halos lahat ng Stegodon fossils mula sa Pilipinas ay isolated na mga ngipin o ilang bahagi ng kanilang pangil, na may kasama na ilang buto.

Dahil sa nasabing diskubre, iminumungkahi ng pag-aaral na ang Luzon ay posibleng naging host ng nasa tatlong magkakaibang uri ng Stegodon: isang malaking katawan, na mas maliit na tipo ng elepante.

Kasabay nito, nanawagan si Tablizo sa publiko na agad na ipaalam sa mga eksperto kung may matatagpuan na anomang fossils.

Ayon sa kanya, maaaring makipag-ugnayan sa Nannoworks Laboratory, Paleontological Society of the Philippines, o sa National Museum of the Philippines.

Tiniyak niya na ang anomang tuklas na fossil ay maayos na maipepreserba at mapag-aaralan, at posibleng maging mahalagang bagay para maiintindihan natin ang ating natural history.