CTTO

TUGUEGARAO CITY-Nilarong improvised na sulo o torch na gawa sa hose ang nakitang sanhi ng pagkasunog ng Kakiduguen Elementary School sa Kasibu, Nueva Vizcaya nitong araw ng Sabado, Agosto 17, 2019.

Ayon kay Fire Officer 1 Christopher Pale, Chief Investigator ng BFP Kasibu, batay sa naging salaysay ng isang welder na hindi na pinangalanan na siyang unang nakakita sa sunog, kanya umanong nakita ang apat na bata na naglalaro ng apoy sa likod ng classroom ng Grade IV sa nasabing eskwelahan.

Aniya, sinunog ng mga bata ang naipon na damo sa lugar hanggang sa madamay ang plastic pipe o tubo na nakakonekta sa lababo ng nasabing silid aralan na sanhi ng pagkatupok ng apoy sa limang silid aralan.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil ilan sa mga silid aralan ay gawa sa light materials.

Sinabi ni Pale na tinatayang nasa apat hanggang limang milyon piso ang halaga ng natupok na mga silid aralan kasama na ang mga libro at ilan pang gamit ngunit hinihintay parin ang isusumite ng nasabing paaralan na danyos ng paaralan.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Pale na tanging ang school office at ang kinder classroom lamang ang hindi nasunog.

Kaugnay nito, unang nagsuspende ng klase ang nasabing paaralan mula pa noong Lunes at muling bubuksan ito, bukas, araw ng Huwebes kung saan pansamantalang magkaklase ang mga mag-aaral sa kanilang Gym, stage at simbahan sa kanilang lugar.

Tinig ni Fire Officer 1 Christopher Pale