TUGUEGARAO CITY- Darating na mamamayang hapon ang mahigit sa 5, 000 na Sinovac vaccine na para sa Region 2 sa Tuguegarao City airport.
Sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center na sasalubungin nila kasama ang mga opisyal ng DOH Region 2 at ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan ang mga nasabing bakuna.
Ayon kay Baggao, ang mga bakuna ay ibibigay naman sa anim na hospital sa rehion na kinabibilangan ng CVMC, Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, Region 2 Trauma Center sa Nueva Vizcaya, Regional PNP Hospital, Batanes General Hospital at Tuguegarao City Peoples General Hospital.
Kaugnay nito, sinabi ni Baggao na handang-handa na ang kanilang vaccination facility at maging ng mga staff na magsasagawa ng pagbabakuna.
Sinabi ni Dr. Baggao na siya ang mauunang magpapabakuna sa March 7, 2021 at susunod naman ang iba pang staff ng ospital.
Sinabi ni Baggao na 1, 600 na staff ng CVMC ang nagpahayag na ng kanilang kahandaan na magpabakuna.
Ayon sa kanya, hindi lahat ng empleado ng CVMC ay mababakunahan dahil sa may mga staff na senior citizen na hindi pwedeng mabigyan ng Sinovac vaccine dahil ito ay para sa edad 19 hanggang 59.
Idinagdag pa ni Baggao na mahigit sa 2, 000 na bakuna ang inilaan para sa CVMC at target nilang makapagbakuna ng 100 hanggang 150 kada araw.