Tuguegarao City- Bahagyang bumubuti na ang sitwasyon sa bahagi ng downstream sa lalawigan ng Cagayan matapos ang mga pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa nararanasang patuloy na pag-ulan sa lalawigan.
Sinabi ni Ruelie Rapsing, Head ng Task Force Lingkod Cagayan, bagamat nakauwi na sa kanikanilang tahanan ang mga residenteng inilikas ay hindi pa rin maaaring magpakampante ang mga otoridad.
Batay sa pinakahuling datos ay umabot sa kabuuang 3,953 na pamilyang katumbas ng 14,435 indibidwal ang inilikas sa Cagayan mula ng maranasan ang mga pagbaha at landslide.
Mula sa nasabing bilang ay tanging ang limang pamilyang katumbas ng 12 indibidwal mula sa Marus, Baggao ang nananatili pa sa evacuation center matapos silang ilikas alas singko ng hapon, kanina, Oktubre 26, 2020.
Ayon kay Rapsing, maaari ng daanan ang mga lansangan sa bahagi ng Claveria, Sanchez Mira at Sta Praxedes ngunit tanging mga light vehicles lamang ang pinapayagan.
Ito ay dahil na rin sa pangamba bunsod ng paglambot ng lupa dahil sa mga pag-ulan sa nasabing mga lugar.
Sinabi pa niya na maayos na rin ngayon ang sitwasyon at bumaba na ang tubig sa mga bayan ng Pamplona, Abulug, Sta. Ana at iba pang bayan sa downstream area.
Samantala, sinabi naman ni Lucy Allan, Asst. Regional Director ng DSWD Region 2, na sapat ang ayuda at mga family food packs na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya dito sa rehiyon 2.
Ayon pa sa kanya nauna ng namahagi ng tulong ang ahensya sa bahagi ng Claveria noong kasagsagan ng bagyong Pepito at nagpapatuloy pa rin ito hanggang ngayon sa mga hindi pa nabigyan ng tulong kasama na ang mga apektadong pamilya sa mula sa iba pang mga lalawigan sa Region 2.