TUGUEGARAO CITY- Siyam na bayan na sakop ng Cagayan Electric Cooperative 1 o CAGELCO 1 ang wala pang supply ng kuryente.

Ito Ay kinabibilangan ng mga bayan ng Alcala, Rizal, Tuao, Piat, Amulung, Baggao, Sto.Niño, Enrile at Solana.

Dito naman sa Tuguegarao City, 14 barangays ang apektado na binubuo ng 47, 417 households habang sa Peñablanca ay tatlong barangay na lang ang walang kuryente at dalawa pa lang na barangay sa Iguig ang nagkailaw na.

Sinabi ni Jeff Guzman, information Officer ng CAGELCO 1 mahigit 47, 000 households mula sa 386 barangays ang nakaranas ng walang supply ng kuryente noong kasagsagan ng mga pagbaha.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit sinabi niya na mahigit 21,000 na ang naibalik ang kanilang supply.

Ayon sa kanya, ito ay dahil sa nasira ang Tuguegarao 69 KV line sa Linao East dahil sa matinding pagbaha.

Kaugnay nito, sinabi ni Guzman na hindi nila matiyak kung kailan maibabalik ang supply sa mga wala pang kuryente dahil hihihintay nila ang go signal ng NGCP.

Kasabay nito, pinayuhan ni Guzman ang mga member-consumers na nalubog ang kanilang mga bahay sa baha na huwag basta-basta I-on ang kanilang breakers upang matiyak na walang anomang mangyayaring disgrasya dulot ng kuryente.

Ayon sa kanya, tiyakin na natuyo ng husto ang kanilang mga outlets o maaari ding ipatingin muna ang mga ito sa licensed electricians.

Bukod dito, sinabi ni Guzman na kung may mga nasirang metro o drop wire ay ipagbigay alam sa pinakamalapit na tanggapan ng CAGELCO 1 sa kanilang lugar.