Siyam na pulis ang natanggal sa serbisyo sa Police Regional Office 2 sa panahon ng pamumuno ni PBGEN Christopher Birung buhat noong Agosto nang nakalipas na taon.

Sinabi ni PMAJ Sharon Malillin, information officer ng PNP Region 2, sa nasabing bilang walo ang uniformed habang ang isa ang non-uniformed personnel.

Ayon sa kanya, pito sa mga ito ang tinanggal dahil sa absence without official leave o AWOL kabilang ang non- uniformed personnel kung saan ang mga ito ay nangibang bansa, isa ang kinasuhan dahil sa paglabag sa Omnibus Election Code sa nakalipas na barangay election, at isa naman ay dahil sa illegal drugs matapos na magpositibo sa isinagawang random drug testing sa mga pulis partikular sa mga nakatalaga sa Drug Enforcement Unit.

Idinagdag pa ni Malillin na ang mga ito ay nagsilbi sa PNP sa loob ng 10 taon pababa at ang lima sa mga ito ay may ranggong Staff Sergeant, dalawa ang Corporal at isang Patrolman.