Sinibak ang siyam na pulis mula sa Navotas sa gitna ng mga alegasyon ng torture sa dalawang suspek sa pagpatay para pilitin silang umamin sa krimen, ayon sa Philippine National Police.

Sa press conference, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Brig. Gen. Randulf Tuaño, nasa kustodiya ngayon ang siyam sa Northern Police District-Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU).

Kabilang sa sinibak ang walong pulis at kanilang chief investigation officer dahil sa command responsibility.

Ayon kay Tuaño, natanggap ng mga nasabing pulis ang kanilang subpoena noong November 27 nang magsagawa ng imbestigasyon sa insidente ang Internal Affairs Office.

Batay sa salaysay ng isa sa mga suspek, nangyari ang insidente noong November 9, kung saan pinalo umano siya ng matigas na bagay, kung saan nawalan siya ng malay.

-- ADVERTISEMENT --

Kalaunan ay nalaman niya na patuloy siyang sinasaktan ng mga pulis kahit wala na siyang malay.

Sa mugshot ng suspek, makikita na may gasa ang kanyang ulo.

Naniniwala naman si Atty Cid Andeza na tonorture ang mga suspek para lumagda sa extrajudicial confession, o para aminin na sila ang bumaril at pumatay sa dalawang biktima sa Navotas City noong November 3.

Pinabulaanan naman ng Navotas police ang mga nasabing alegasyon.

Sinabi ni Navotas City Police chief P/Col. Renante Pinuela walang kinalaman ang mga pulis sa sugat na tinamo ng isa sa mga suspek.