Pinalutang ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang ideya na buwagin ang Sangguniang Kabataan (SK) dahil sa lumalaking bilang ng absences ng mga miyembro nito sa mga official meetings maging ang kanilang mababang partisipasyon.

Ipinaliwanag ni Remulla sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa budget ng DILG sa susunod na taon, na ang nangyayari ay 60 percent ng halal na youth officials ay dumadalo sa pulong isang taon matapos silang mahalal.

Lalo itong bumaba sa mga na mga taon, na umabot ng 30 percent.

Sinabi ni Remulla na dahil sa pagliban ng mga SK officials, napipilitan ang barangay kapitan na ipatupad ang kanyang kagustuhan sa konseho, na dahilan kaya nagpaparaya na lamang ang mga ito sa mga kapitan.

Ayon sa kanya, ang dahilan kaya lalong atrasado ang mga SK official ay dahil sa itinaas na ang edad mula 15 sa 25.

-- ADVERTISEMENT --

Sa nasabing edad aniya ay halos lahat ng SK officials ay pumapasok sa trabaho, nag-aaral sa kolehiyo, o may asawa na sa panahon ng kanilang panunungkulan.

Sinabi ni Remulla na dahil sa nasabing depekto sa nasabing batas na lumikha sa SK, ginagawa na ng barangay kapitan ang halos lahat ng tungkulin ng SK, at papipirmahin na lamang ang mga ito.

Subalit sinabi ni Remulla na bagamat natuklasan nila ang mababang antas ng partisipasyon ng mga SK official, wala umanong magagawa ang ahensiya maliban lamang kung may alegasyon mula sa barangay kapitan, kung saan maaari nilang aksiyonan.

Ngunit sinabi niya na maging ang mga kapitan ay takot na magreklamo.

Dahil dito, sinabi niya na kung siya lang ang magbibigay ng kanyang “personal” na rekomendasyon, mas mabuti na buwagin na lamang ang SK dahil sa nangyayari na patuloy na pagbaba ng kanilang partisipasyon sa barangay.