Arestado ang presidente ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation sa bayan ng Argao, timog ng Cebu, matapos umanong pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang lalaki dahil umano sa matinding selos.
Batay sa ulat, naganap ang insidente sa Don Gil, Barangay Poblacion, Argao, noong gabi ng Hulyo 11, 2025.
Ayon kay Police Major Janus Giangan, hepe ng Argao Police Station, kumpirmado na selos ang motibo ng krimen.
Nabatid sa imbestigasyon na ang napatay na lalaki ay kasalukuyang nobyo ng isang babae na diumano’y nabuntis ng suspek.
Sa kabila ng sitwasyon, pinili pa ring tanggapin ng biktima ang babae, dahilan upang umalma ang SK president.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek.