TUGUEGARAO CITY- Muling bubuksan ang Smoking Cessation Counseling Clinic sa Cagayan Valley Medical Center sa susunod na linggo.

Sinabi ni Dr. Delilah Reyes ng nasabing clinic na magkakaroon ng face-to-face counseling kada Mierkules ng 8:00 AM hanggang 10:00 AM.

Ayon kay Dr. Reyes, halos isang taon din na hindi nagbukas ang kanilang clinic na kabilang sa kanilang out patient service dahil sa covid-19 pandemic.

Gayonman, sinabi niya na bukas ang clinic mula Lunes hanggang Biyernes ng 8:00 AM hanggang 5:00 PM.

Ipinaliwanag ni Dr. Reyes na ang layunin ng kanilang counseling ay para matulungan ang isang naninigarilyo na tuluyang maitigil ang paninigarilyo hanggang sa kanyang rehabilitation at hindi na kailanman magsisindi ng sigarilyo.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na isa rin kasing addiction ang paninigarilyo o nagkakaroon ng psychological at physical dependence.

Ayon sa kanya, ang unang ginagawa sa kanilang mga kliente ay aalamin ang estado ng kanilang paninigarilyo at kasunod nito ay bibigyan ng isang linggo para pag-isipan kung talagang gusto na nitong tumigil sa paninigarilyo at kung hindi bumalik matapos ang isang linggo ay bibigyan nila muli ito isang buwan.

Idinagdag pa niya na libre ang kanilang serbisyo.

Sinabi pa ni Reyes na kung marami na silang pasyente, ang gagawing counseling ay lima sa isang grupo dahil batay sa pag-aaral, mas epektibo ito dahil sa nagkakaroon ng sharing ang mga ito na nakakatulong sa kanilang rehabilitation.

Kaugnay nito, sinabi niya na maraming idinudulot na sakit ang paninigarilyo tulad ng emphysema, highblood, sakit sa puso, cancer at marami pang iba.

Dahil dito, hinikayat ng duktor ang mga naninigarilyo na tumigil na bago pa magkaroon ng malalang sakit.