Kinumpirma ni PBGEN Antonio Marallag, director ng Police Regional Office 2 na sniper ang bumaril-patay kay Mayor Joel Ruma noong gabi ng April 23 habang kasalukuyan ang kanyang campaign sortie sa Barangay Iluru Sur.

Sa press conference, sinabi ni Marallag na batay sa initial investigation ng forensic unit, iisa lang na bala ang tumama kay Ruma at may nakita ang isang saksi na laser sa dibdib ng alkalde bago siya natumba.

Bukod dito, sinabi ni Marallag na batay sa trajectory ng bala, galing ito sa taas kaya tumagos ang bala sa ibabang likod ng alkalde.

Naniniwala si Marallag na may kasanayan sa paghawak ng sniper ang tumira kay Ruma, dahil hindi ito kaya ng isang ordinaryong mamamayan lamang.

Sinabi ni Marallag na nasa kustodiya ng PNP Rizal ang apat na pulis na nagsilbing security sa nasabing event habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pagkakasugat ng tatlong iba pa, sa kabila na isang bala lang ang tumama kay Ruma.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, aalamin ng mga imbestigador kung saan nanggaling ang mga bala na tumama sa tatlong mga nasugatan.

Inamin ni Marallag na isang hamon ang pagresolba nila sa pagpatay kay Ruma.

Gayunpaman, tiniyak niya na sa pamamagitan ng masusi at malalimang imbestigasyon at sa tulong ng mamamayan ay maibibigay ang hustisya sa pagkamatay ng alkalde.

Kaugnay nito, sinabi ni Marallag na babaguhin nila ang kanilang stratehiya sa pagde-deploy ng mga pulis ngayong panahon ng halalan.

Ayon sa kanya, ang mga pulis ay itinalaga sa mga mabundok na lugar dahil sa mga nasabing area madalas nangyayari ang mga karahasan o hindi kanais-nais na mga insidente, subalit ngayon ay tila kumikilos na ang mga kriminal sa centro o poblacion.

Dahil dito, sinabi ni Marallag na may ilang kandidato na ang takot na magsagawa ng campaign rally.

Sa kabila nito, nangako si Marallag na patuloy ang kanilang pinaigting na pagbabantay upang matiyak ang ligtas at payapang eleksyon.