Itinanghal na overall champion ang Region XII o SOCCSKSARGEN at Region VI o Western Visayas sa kani-kanilang division sa katatapos na 2025 National PRISAA Games sa Tuguegarao City.

Humakot ang Region 12 ng kabuuang 128 gold, 104 silver at 55 bronze medal para makamit ng Mindanao sa kauna-unahang pagkakataon ang Senior division title habang ang Western Visayas athletes ay komolekta ng 99 gold, 71 silver, at 73 bronze medal para sa youth division.

Bigo namang depensahan ng Central Visayas ang pagiging defending champion sa Senior division na nagtapos sa ikalawang pwesto habang ikatlong puwesto ang Calabarzon.

Ayon kay SOCCSKSARGEN PRISAA President Jessie Pasquin, pinatunayan ng mga atleta mula Central Mindanao na kaya nilang abutin ang kampeonato at makipagsabayan sa mga malalaking rehiyon sa bansa na maaaring maging kinatawan ng bansa sa international sports.

Malaking hamon man ang pinansyal na aspeto sa pagpunta sa Tuguegarao City dahil sa dalawang beses na pagsakay sa eroplano subalit dahil sa suporta mula sa mga member schools ay hindi ito naging hadlang sa paglahok ng kanilang mga atleta.

-- ADVERTISEMENT --

Pinuri rin ni Pasquin ang hosting ng Lungsod ng Tuguegarao sa nasabing Palaro na maituturing na pinakamahusay ngayong taon at ang hospitality ng mga Cagayano sa maayos na pagtanggap at pakikitungo sa mga delegado mula sa ibang mga rehiyon.

Ang host region naman na Cagayan Valley ay nasa ika-10 pwesto sa Youth division na nakakuha ng 10 gold, 19 silver, at 29 bronze habang nasa rank 7 naman ang rehiyon sa youth division na mayroong 29 gold, 19 silver at 39 bronze medal.

Samantala, sa isinagawang closing ceremony ay pormal na rin isinagawa ang turn over ceremony sa Negros Island Region na magiging susunod na host ng naturang sporting event sa 2026.

Sa kasalukuyan, unti-unti na ring umuuwi sa kanilang mga rehiyon ang ilang mga atleta habang ang ilan ay inaasahang mananatili pa sa Cagayan hanggang sa Linggo upang makapag ikot pa sa ilang tourist destinations sa lalawigan.