Nagbabala ang Department of Health (DOH)sa publiko laban sa hindi totoong social media post na nagsasabing ang mga karayom na ginagagamit sa blood tests ay kontaminado ng human immunodeficiency virus (HIV).
Ayon sa DOH, maging ang Philippine National Police ay sinabing hindi totoo ang nasabing mensahe, at kinumpirma na ito ay panakot lamang na walang basehan.
Ibinahagi din ng DOH ang screenshot ng social media post, na sinabing may mga indibidual na nagpapakilala na mga miyembro ng isang “Faculty of Medicine” na bumibisita sa mga tahanan at nag-aalok ng blood sugar tests.
Nakasaad pa sa social media post na ang mga karayom na ginamit sa blood sugar tests ay kontaminado ng HIV.
Dahil dito, nanawagan ang DOH sa publiko na huwag i-share ang hindi beripikadong impormasyon na posibleng magresulta ng alarma sa publiko.
Idinagdag pa ng DOH na kumuha ng mga impormasyon sa mga lehitimong platforms tulad ng ahensiya.