
Aminado si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na walang katiyakan kung magtutuloy-tuloy ang rollback sa presyo ng langis sa mga susunod na linggo.
Anya, nakadepende ang galaw ng presyo sa pandaigdigang merkado at kahit daw ang tweet ni US President Donald Trump ay may epekto sa trading prices ng langis.
Ipinaliwanag ni Garin na ang ipinatupad na rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyo noong nakaraang linggo, kasunod ng inanunsyong ceasefire sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Pero muli raw tumaas ang presyo matapos ang panibagong anunsyo ni Trump hinggil sa panibagong hakbang ng Estados Unidos sa Strait of Hormuz.
Dahil dito, sinabi ng DOE na mahirap matiyak ang magiging trend ng presyo ng langis sa mga susunod na linggo.
Ayon kay Garin, kung magpapatuloy ang tensyon, posibleng manatiling mataas ang presyo ng petrolyo sa mga darating na buwan.









