Hindi pa inilalabas ng Mines and Geo- Sciences Bureau Region 2 ang resulta ng kanilang pagsusuri sa soil sample na nakuha mula sa loob ng hinuhukay na butas na ikinasawi ng tatlong manggagawa at isang Brgy Kagawad matapos ma-trap sa Brgy Magsaysay Hills, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon kay PMAJ Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, layon nitong matukoy kung anong uri ng mineral mayroon sa lupa na nalanghap at nagresulta sa pagkamatay ng mga biktima.

Batay sa mga paunang imbestigasyon, methane gas ang nalanghap ng mga biktima mula sa loob ng hukay.

Samantala nakabalik na rin sa kanilang mga tahanan ang ilang pamilya na inilikas na nasa palibot ng bahay kung saan hinukay ang butas.

Ipinasa naman ng Incident Management Team sa local na pamahalaan ang responsibilidad sa naturang hukay na may lalim na 10-metro kung saan napagpasyahan na ito ay tatakpan pang maiwasan ang panganib na dulot nito sa buhay ng tao.

-- ADVERTISEMENT --