Ipinag-utos ng Korte Suprema sa Departmnent of Education (DepEd) na bakantehin ang isang lote na inokupahan ng maraming dekada sa Cagayan, dahil sa wala itong permiso mula sa tunay na nagmamay-ari ng lupa, na may mas malakas na legal claim sa nasabing ari-arian.

Sa 15 pahinang desisyon na isinulat noong buwan ng Abril na isinapubliko lamang kahapon, ibinasura ng Second Division ng Supreme Court ang petition for review na inihain ng Deped.

Inatasan din ang ahensiya na bakantehin ang bahagi ng lupa na inokupahan ng Solana Fresh Water Fishery School ng Deped at ipasakamay ito sa respondent na si Princess Joama Caleda.

Sa ruling sa G.R. No. 272507, na pinonente ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi niya na maiiwasan ng isang public institution ang eviction mula sa isang ari-arian na para sa public use, kahit walang titulo, kung mayroong implied acquiescence o acceptance, sa pamamagitan ng delay ng assertion of rights, sa panig ng may-ari.

Sa kasong ito, agad na kumilos si Caleda nang agad siyang magpadala ng demand letters, nakipag-ugnayan sa DepEd, inirehistro ang kanyang pag-angkin sa lupa, at naghain ng kaso sa loob ng dalawang taon nang magdiskubre na inokupahan ng eskwelahan ang kanyang ari-arian.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, nilinaw ng SC, na ang kanilang findings ay provisional at tumutukoy sa pagbawi ng ari-arian.

Nag-ugat ang kaso mula sa reklamo na inihain ni Caleda noong 2016 para sa recovery of possession na may danyos sa Municipal Circuit Trial Court ng Solana, Cagayan.

Bumili siya ng 10,637-square-meter na palayan noong 2014 sa pamamagitan ng extrajudicial settlement of estate na may waiver of rights and sale na isinagawa ng tagapagmana ng nakarehistro na may-ari na si Bueno Gallebo.

Subalit nang puntahan niya ang lupa para sa relocation survey, nadiskubre niya na okupado ito ng Solana Fresh Water Fishery School sa ilalim ng direktang supervision ng DepEd Cagayan.

Maraming beses siyang sumulat sa DepEd na bakantehin ang nasabing lupa subalit walang tugon ang DepEd.

Dahil dito, naghain siya ng reklamo sa korte na umalis ang ahensiya sa lupa at buwagin ang mga ipinatayong istraktura.

Pumabor kay Caleda ang desisyon ng trial court kay Caleda at inatasan ang DepEd na umalis sa lugar.

Natuklasan din ng korte na ang 1965 deed of sale na ipinakita ng DepEd bilang patunay na pagmama-ari ang lupa ay saklaw ang ibang ari-arian at hindi ang pinagtatalunang lote.

Iginiit ng DepEd sa pamamagitan ng Office of the Solicito General na ipinagbabawal sa public policy ang pagpapaalis sa gobyerno mula sa isang ari-arian na inilaan para sa public use.

Idinagdag pa ng DepEd na ang tanging magagawa ni Caleda ay humingi ng tamang kompensasyon sa kanyang lupa.

Subalit, pumabor ang desisyon ng SC kay Caleda matapos na makita na walang ebidensiya na ipinaubaya niya ang nasabing ari-arian pabor sa DepEd.

Ipinunto pa ng SC na ang sariling ebidensiya ng DepEd ay nagpapakita na bumili sila ng ibang lote sa ilalim ng iprinisinta na deed of sale.

Tinukoy ng SC na inabandona ng DepEd ang naunang depensa nito sa mababang hukuman sa pag-aangkin sa lupa batay sa deed of sale.