Nanawagan ang Save Our Schools (SOS) Network, na sumusuporta sa Lumad schools sa Mindanao, kay Vice President Sara Duterte na ipaliwanag ang paggamit ng confidential funds sa halip na tumutok sa reklamo laban kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Tanong ng grupo kung nasaan ang P125 million na confidential funds na umano ay ginastos sa loob ng 11 araw lamang, at kung ano ang nangyari sa mahigit P500 million na public funds na ipinagkatiwala sa kanyang tanggapan.

Nanawagan din ang SOS Network sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon sa kamakailan lang ay pamamaril sa Makati sa mga pulis at kay Castro habang sakay ng kanyang sasakyan ang mambabatas.

Nais din nilang malaman kung sino si Mary Grace Piattos at kung nasaan siya ngayon.

Ayon sa grupo, ang ethics complaint ni Duterte laban kay Castro ay isang hakbang upang mailayo ang atensiyon ng mamamayan sa mga tanong tungkol sa paggamit nito ng confidential funds.

-- ADVERTISEMENT --

Nitong December 10, naghain ng reklamo ang grupo ng indigenous people leaders laban kay Castro sa House Committee on Ethics dahil sa alegasyon na inilagay niya sa panganib ang 14 na batang lumad noong 2018, ang kaso na hanggang ngayon ay may nakahain na apela.

Ipinunto ng SOS Network na kinuha ni Duterte ang serbisyo ng abogado ni Pastor Apollo Quiboloy, na nahaharap sa kasong child trafficking, pang-aabuso, at rape na inihain sa US Federal Bureaug of Investigation.

Binigyang-diin ng grupo na kaugnayan ni Duterte kay Quiboloy ay nagpapakita ng pagpapatibay sa legacy ng Duterte na impunity at moral decay.

Ang SOS Network ay pinamumunuan nina Prof. Marion Tan, dating vice chancellor of the University of the Philippines sa Diliman; Mae Fe Ancheta-Templa, dating Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Prof. Sofia G. Guillermo, faculty member at UP Diliman.