Tinukoy ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga senador na posibleng magsilbi na bagong chairperson ng blue ribbon committee matapos na magbitiw si Senator Panfilo Lacson sa nasabing puwesto.

Sinabi ni Sotto na maaaring ikonsidera para maging susunod na chairman ng nasabing komite sina Senator Joseph Victor “JV” Ejercito, Senator Raffy Tulfo, Senator Pia Cayetano, Senator Francis “Kiko” Pangilinan, at Senator Risa Hontiveros.

Ayon kay Sotto, ang sinomang irerekomenda ni Lacson ay may malaking tsansa na susunod na chairman ng blue ribbon committee.

Ayon sa kanya, nagpatawag siya ng caucus ngayong tanghali upang pag-usapan ng mayorya ang resignation ni Lacson.

Nagbitiw si Lacson kahapon bilang chairman ng nasabing komite sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng panel sa korupsyon sa flood control projects.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang sulat kay Sotto, sinabi ni Lacson na ang kanyang desisyon ay bunsod ng hindi pagka-kuntento ng mga kapwa niya senador sa direksyon ng isinasagawang imbestigasyon sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.