Nilinaw ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na wala siyang kaalaman na darating sa Senado si Senador Ronald “Bato” dela Rosa nang mangyari ang pagpasok ng mga ahente ng National Bureau of Investigation o NBI nitong Lunes.

Ayon kay Sotto, kinausap siya ng isang kinatawan ng NBI sa umaga at sinabi na may hawak silang arrest warrant, kaya inutusan niya itong makipag-ugnayan sa Office of the Sergeant-at-Arms o OSAA.

Giit niya, hindi niya inaasahan ang sabay na pagdating ni Dela Rosa sa Senado, kaya wala siyang naging papel sa naging insidente.

Sa sesyon ng Senado, nagbigay ng pormal na paliwanag si Sotto upang linawin ang isyu, habang binasa naman ang sulat ng nagbitiw na Senate Sergeant-at-Arms na si Rene Samonte na naglalarawan ng koordinasyon sa NBI kaugnay ng pag-aresto.

Ayon sa sulat, ipinakita ang warrant of arrest kay dating Senate President Sotto, ngunit hindi pinahintulutang ipamahagi ang mga kopya nito.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Dela Rosa na nakaramdam siya ng “betrayal” sa nangyari, bagama’t nilinaw niyang hindi siya galit kay Sotto.

Tugon naman ni Sotto, wala siyang ginawang mali at wala umanong basehan para humingi ng paumanhin, dahil hindi niya alam na darating ang senador matapos ang ilang buwang pagkawala.

Nagpatuloy pa rin ang tensyon sa Senado kasunod ng mga kaganapan, habang nananatili sa ilalim ng protective custody ng kapulungan si Dela Rosa kaugnay ng isyu ng ICC warrant laban sa kanya.