Opisyal nang naupong muli si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President ngayong Lunes, Setyembre 8, matapos palitan si Senador Francis “Chiz” Escudero sa liderato ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Sa plenary session ng Senado, inihain ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri ang mosyon para ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President, na agad namang inaprubahan ni Escudero. Pagkatapos nito, si Sotto ang iminungkahi ni Zubiri na pumalit sa puwesto — mungkahing sinuportahan ni Senadora Loren Legarda.
Walang tumutol mula sa 24 na miyembro ng Senado, kaya agad pinagtibay ang pag-upo ni Sotto bilang bagong lider ng Senado.
Ayon kay Zubiri, ang pagbabalik ni Sotto sa posisyon ay isang hakbang upang mapanatili ang integridad at katatagan ng institusyon. Pinasalamatan din niya si Escudero sa kanyang panunungkulan at pagiging bukas sa maayos na transition ng pamumuno.
Sa isang ambush interview bago ang session, kinumpirma ni Sotto na may 15 senador na sumuporta sa planong palitan si Escudero.
Ayon sa kanya, si Zubiri ang posibleng bagong majority leader kapalit ni Senador Joel Villanueva, habang si Senador Panfilo “Ping” Lacson naman ang maaaring pumalit kay Senador Jinggoy Estrada bilang Senate President Pro Tempore.
Bago pa man magsimula ang sesyon, sinabi ni Sotto na nagkausap na sila ni Escudero at pareho silang sumang-ayon na gawin ang transition sa paraang maayos at walang tensyon.