
Mariing itinanggi nina Senador Vicente “Tito” Sotto III at Senador Erwin Tulfo ang alegasyon ng mga nagpakilalang dating Marines na tumanggap sila ng mga maletang naglalaman umano ng pera mula sa kickback sa mga flood control project.
Ayon sa testimonya ni Benny Bulontante sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee, limang malalaking maleta umano ang dinala sa isang gusali sa Baclaran na iniuugnay kay Sotto noong 2024. Gayunman, sinabi ni Sotto na walang basehan ang alegasyon dahil hindi siya senador mula 2022 hanggang 2025 at ang sinasabing tumanggap umano ng pera para sa kanya ay namatay pa noong 2015.
Samantala, sinabi ni Bernard Gumban na dalawang beses umano siyang nakapaghatid ng mga maleta para kay Tulfo sa Greenhills. Pinabulaanan ito ng senador at iginiit na magkakasalungat ang mga detalye sa mga naunang salaysay at testimonya ng kanyang nag-akusa.
Bukod kina Sotto at Tulfo, idinawit din ng mga testigo sina Leyte Rep. Martin Romualdez, ML Party-list Rep. Leila de Lima, dating ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, dating Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, at dating Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas. Lahat ay mariing tumanggi sa mga paratang.
Itinanggi rin ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang alegasyong tumanggap siya ng pera para umano sa International Criminal Court (ICC), at sinabing magsasampa siya ng kaso laban sa mga nag-akusa sa kanya.




