Inihayag ni South Korean President Lee Jae-myung ang agarang pagpapatigil sa isang 700-billion won (humigit-kumulang P28 bilyon) na imprastruktura loan project para sa Pilipinas, dahil umano sa isyu ng korapsyon.

Ayon kay Lee, hindi pa umano nasisimulan ang proyekto kaya’t naagapan ang posibleng maling paggamit ng pondo mula sa Economic Development Cooperation Fund (EDCF).

Kasabay nito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng media sa pagbubunyag ng katiwalian.

Ang nasabing loan ay kaugnay ng plano noong 2023 ng Pilipinas na humiram ng pondo mula sa EDCF upang magpatayo ng 350 tulay sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ngunit sa gitna ng lumalalang isyu ng katiwalian sa flood control projects na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng gobyerno at kontratista, napagpasyahan ng lider ng South Korea na ihinto ang proseso ng loan bilang pag-iingat laban sa maling pamamahala ng pondo.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, agad namang itinanggi ng Department of Finance (DOF) ang pag-iral ng nasabing loan.

Sa kanilang pahayag, nilinaw ng DOF na “walang ganitong loan na umiiral” sa pagitan ng Pilipinas at South Korea.

Gayunpaman, tiniyak ng ahensya sa mga bilateral partners ng bansa ang kanilang paninindigan sa transparency at pananagutan sa pamahalaan.