Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na inaresto ng mga opisyal nito sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa drug trafficking.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Choi Minjae, 33

Naharang noong noong Hunyo 17 pa bago siya makasakay ng flight papuntang Incheon sa Seoul, South Korea.

Si Choi, ayon kay Tansingco, ay nasa wanted list ng BI mula noong Pebrero nitong taon nang ipag-utos siyang i-deport ng bureau dahil sa pagiging undesirable alien.

Siya ay pinigilan sa pag-alis matapos makita ng BI officer na nagproseso sa kanya na ang pangalan nito ay nagpapahiwatig na siya ay na-blacklist bilang resulta ng deportation order laban sa kanya.

-- ADVERTISEMENT --

Napag-alaman din na siya ay napapailalim sa isang Interpol red notice na inilabas noong Pebrero 2 na nag-ugat sa pagsasampa ng kasong narcotics laban sa kanya.

Ang isang warrant para sa pag-aresto sa kanya ay iniulat na inisyu ng Ulsan district court sa timog-silangang Korea kung saan siya ay kinasuhan ng paglabag sa narcotics control act ng kanyang bansa.

Inakusahan ng mga awtoridad na sa pagitan ng Abril 2022 hanggang Hunyo 2023, si Choi at isang kasabwat ay nagbenta sa Internet ng mahigit US$3.27 milyon na halaga ng mga droga, kabilang ang synthetic na marijuana at LSD, na ang mga benta ay natransaksyon nang 539 beses sa pamamagitan ng messaging app na Telegram.

Si Choi ay nakaditene sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, kung saan siya mananatili habang naghihintay ng deportasyon.