
Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga bangkong pag-aari ng gobyerno na magpatupad ng zero interest at mas pinadaling proseso ng pautang para sa mga magsasaka.
Ayon kay Dy, kailangang maging mas accessible ang mga pautang upang matulungan ang mga magsasaka na makakuha ng sapat na pondo para sa kanilang kabuhayan, lalo na sa gitna ng pabago-bagong presyo ng palay.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangan ng reporma sa sistema ng financing, insurance, at imprastraktura upang masiguro ang pangmatagalang katatagan ng sektor ng agrikultura.
Kasabay nito, iminungkahi ng Speaker ang pagpapatupad ng mandatory crop insurance para sa lahat ng magsasaka, na dapat ay mabilis maproseso sa loob ng sampung araw sa pamamagitan ng digital system upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektado ng kalamidad at pagkalugi.
Ang panawagan ay kasunod ng pagdinig ng mga komite sa Kamara hinggil sa Executive Order 93, na pansamantalang nagsuspinde sa importasyon ng regular at well-milled rice sa loob ng 60 araw.
Sa nasabing pagdinig, lumutang ang hinaing ng mga magsasaka hinggil sa mababang presyo ng palay at sa hirap ng pagkuha ng pautang dahil sa mataas na interes at maraming rekisito.