Nagpasalamat si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pangako ng isang malaking grupo ng rice traders na makikiisa upang mapababa ng P9 ang kada kilo ng bigas sa susunod na buwan.
Ang hakbang ay bilang pakikiisa sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. , sa hangarin na maging abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado.
Ayon sa grupo ng local traders, mabibili ang bigas sa pagitan ng P42 hanggang P49 kada kilo sa pagpapatupad ng mas mababang taripa sa imported na bigas.
Sa pagtaya, inaasahang ang presyo ng bigas pagsapit ng Hulyo at Agosto ay nasa P45-P46 ang kada kilo ng well-milled rice na kalimitang kinokonsumo ng mga ordinaryong Pilipino samantalang ang premium rice na 5 percent broken ay nasa P47 hanggang P48 ang halaga.
Kabilang sa dumalo sa pulong sa pagitan ni Speaker Romualdez sina Rowena Sadicon, ang founder at lead convenor ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) at co-founder Orly Manuntag na siya ring tagapagsalita ng GRECON (Grain Retailers Confederation of the Philippines).
Ipinabatid nina Sadicon at Manuntag sa mga kongresista na ang kanilang hakbang ay bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr., at Speaker Romualdez na sama-samang tugunan ang problema ng mataas na presyo ng bigas.
Sinabi nina Sadicon at Manuntag na nagkasundo ang kanilang mga kasapi na iparamdam sa publiko ang pagbaba ng presyo ng bigas kapag naipatupad na ang mas mababang taripa.
Mula nang tumaas ang presyo ng bigas sa mahigit P50 kada kilo noong nakaraang taon, masigasig na naghahanap ngsolusyon ang pamahalaan upang gawing mas abot-kaya ang bigas. Kasama sa mga pagsisikap ang pag-aaral ng mga pagbabago sa patakaran, pakikipag-ugnayan sa mga sektor ng industriya, at pagpapatupad ng mga programang nagpapatatag ng merkado.