

TUGUEGARAO CITY-Bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang Police Regional Office II na mag-iimbestiga sa pagpatay sa dalawang dating mayor at incumbent SB member ng Lasam, Cagayan at sa dalawang iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police B/Gen. Crizaldo Nieves, director ng PRO-2 na pangungunahan ni Cagayan Police Provincial Director Col. Ariel Quilang ang binuong SITG.
Ayon kay Dir. Nieves na subject for hot pursuit operations ang mga natukoy na sasakyan na ginamit ng mga suspek na mabilis tumakas makalipas ang pananambang.
Kinilala ang mga biktima na sina Sangguniang Bayan Members Marjorie Salazar at Eduardo Asuten na kapwa naging alkalde sa bayan ng Lasam.
Kabilang sa mga nasawi ang driver ni Salazar na si John Rey Apil, 24-anyos, may-asawa at ang sekretarya nito na si Aiza Manuel, 30-anyos, may-asawa na pawang residente ng Brgy. Callao Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Lasam, pauwi na galing sa sesyon ang mga biktima lulan ng puting Toyota Hiace Van at nang makarating sa Brgy Ignacio Jurado ng nasabing bayan ay may asul na Hyundai Accent at puting Toyota Wigo na kapwa walang plaka kung saan ang mga sakay nito ang nagpaulan ng bala sa sasakyan ng mga biktima.
Agad rumesponde ang hanay ng pulisya ng Lasam at nagawang maisugod sa ospital ang mga biktima subalit binawian din ng buhay.
Minsan na rin lumabas ang pangalan ni Salazar sa narcolist ni Pangulong Duterte ngunit itinanggi ito nang noon ay alkalde pa sa bayan ng Lasam.
Isinasangkot din siya sa pagpaslang sa municipal administrator noong nakaraang taon ngunit itinanggi rin ito ni Salazar.



