Bumuo na ang Cagayan PNP ng Special Investigation Task Group na tututok sa imbestigasyon sa pananambang-patay kay Brgy. Anurturu, Rizal Brgy. Chairman Roberto De Ocampo, kamakalawa.

Sa panayam kay PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng Cagayan PNP, patuloy pa rin ngayon ang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad dahil hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaslang sa opisyal habang pauwi sila ng kanyang asawa lulan ng kanilang elf sa Brgy. Gumarueng, Piat.

Sinabi nito na patuloy ang isinasagawang cross matching ng SITG dahil walang CCTV sa lugar kung saan tinambangan ang biktima habang sa pitong CCTV footages na nakuha ng pulisya mula sa iba’t ibang mga establishimento at residential houses na nasa highway na maaaring daanan ng mga suspek ay hindi rin nakita ang mga ito maliban sa pagdaan ng elf na sinakyan ng biktima.

Gayonman ay may isang witness aniyang nakakita sa mga suspek na nakasuot ng itim na helmet at naka jacket ng brown dahil nang mangyari ang insidente ay nakasalubong niya ang mga ito habang mabilis na tumakas palayo.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag naman aniya ng Misis ng Kapitan, inakala lamang niya na pumutok lamang ang gulong ng kanilang sinasakyang elf ngunit laking gulat niya ng makitang duguan na ang kanyang asawa na wala ng malay at dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi na niya nakita ang mga suspek.

Ayon kay Gano, inilahad din ng asawa ng biktima na taong 2018 ng makatanggap ng death threat ang kanyang asawa mula sa Communist Terrosist Group at una na ring pinuntahan ng nasabing grupo sa kanilang bahay ang kapitan at kinuha ang kanyang baril.

Bukod dito ay isa rin sa tinitignang anggulo ng pulisya ay pulitika.

Sa imbestigasyon ng SOCO ay nagtamo ng fatal na mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima at isang tama sa kanyang ulo kung saan lumalabas na malapitan siyang pinagbabaril upang masiguro ang kanyang pagkasawi.

Nabatid na ang mag-asawang De Ocampo ay pauwi sana sa kanilang Barangay matapos mamili ng mga construction materials dahil kasalukuyan nilang pinapagawa ang kanilang gym at isinasaayos ang mga kalsada.