Bumuo ang Police Regional Office 5 ng Special Investigation Task Group na tinawag na “SITG Golden Boy” upang tutukan ang imbestigasyon sa pagpatay sa broadcaster na si Adrian “Golden Boy” Loterte sa Daraga, Albay, nitong Lunes, Oktubre 12.

Ayon sa pulisya, binaril si Loterte habang nasa kaniyang panaderya sa Barangay San Roque bandang alas-4:10 ng hapon. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng puti at itim na motorsiklo. Kasalukuyang sinusuri ng mga imbestigador ang mga CCTV footage at nagsasagawa ng hot pursuit operations upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

Kinondena naman ng Presidential Task Force on Media Security ang insidente at nanawagan ng mabilis, masusi at patas na imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mapanagot ang mga responsable.