Mariing pinabulaanan ng St. Paul University sa Tuguegarao City at iba pang higher educational institutions sa Cagayan ang mga alegasyon kaugnay sa pagdagsa ng Chinese students sa lalawigan.
Sa inilabas na joint statement ng SPUP, University of Saint Louis Tuguegarao, University of Cagayan Valley at Medical Colleges of Northern Philippines, pawang walang basehan at nakakainsulto ang haka-haka na banta sa seguridad sa bansa ang mga presensiya ng Chinese students sa Cagayan.
Bukod dito, nagsusulong din umano ito ng racism at sinophobia na wala umanong puwang sa lipunan lalo sa edukasyon.
Kaugnay nito, itinanggi ni Dr. Jeremy Godofredo Morales ang sinabi ni Congressman Joseph Lara na batay sa nakuha niyang impormasyon na sa isang Unibersidad lamang ay mayroon itong 4,600 Chinese students.
Sinabi ni Morales na 486 lamang ang foreign students sa SPUP as of April 17, 2024 na kinabibilangan ng mga Chinese, Americans, Japanese, Indonesians at Vietnamese.
Wala namang foreign students ang iba pang HEIs sa lalawigan.
Tinawag din ni Morales na libelous ang alegasyon ng ‘degree for sale’ sa kanilang Unibersidad.
Sinabi niya na walang katotohanan na umaabot sa P2M ang binabayaran ng mga foreign students sa halip ay 1,000 dollars o katumbas lamang ng mahigit P56K.
Binigyan diin niya na dumadaan ang mga foreign students sa mga proseso na nakatutugon sa requirements ng CHED.