Simula sa Huwebes, November 17 ay bubuksan na ng Social Security System ang Calamity Loan Assistance Program (CLAP) at tatlong buwang advance pension para sa mga miyembro nito na naapektuhan ng bagyong Paeng na isinailalim sa state of calamity sa Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jaime Cauilan, OIC ng SSS-Tuguegarao na sa ngayon ay tanging ang mga miyembro na residente mula Tuguegarao City, Amulung at Enrile pa lamang ang maaaring maka-avail ng dalawang inialok na programa na CLAP at 3-month advance pension for social security and employees compensation pensioners.
Paliwanag ni Cauilan na ang naturang mga bayan ay naunang nakapag-endorso ng kanilang deklarasyon sa state of calamity sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council na siya namang nag-endorso sa National Disaster Risk Reduction Management Council para sa kanilang pag-apruba.
Sa ilalim ng CLAP maaring i-loan ng mga miyembro ang katumbas ng kanilang isang buwang sahod na babayaran sa loob ng 24 na buwan na may 10% interest rate per annum at maaring aplayan online sa pamamagitan ng SSS portal.
Para mag-qualify sa calamity loan, kinakailangang may 36 buwang hulog, anim rito ay dapat naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng aplikasyon.
Dapat rin ay walang kasalukuyang calamity loan ang isang aplikante at hindi pa tumatanggap ng anumang final claim sa SSS.
Ang mga pensioners naman ay pinayuhang pumunta lamang sa pinakamalapit na SSS branch para aplayan ang kanilang tatlong buwang advance pension.
Ayon kay Cauilan, maaring isumite ng mga miyembro at pensyonado ang kanilang aplikasyon hanggang February 16, 2023.