Magpapatupad ang Social Security System (SSS) ng mga mahahalagang reporma sa taong 2025, kabilang na ang pagpapabuti ng mga serbisyo para sa mga pensiyonado, pagbawas ng interes sa mga salary at calamity loan, at pagpapalawak ng saklaw para sa mga self-employed professionals.

Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph de Claro, nire-review ng ahensya ang mga patakaran ng Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) program upang mas mapadali ang mga proseso at magbigay ng mas maginhawang serbisyo para sa mga pensiyonado.

Aniya, ang hakbang na ito ay bilang tugon sa mga hinaing ng mga pensiyonadong nasa 80 taong gulang at pataas, na kailangang magsumite ng mga dokumento alinsunod sa ACOP sa ilalim ng SSS Circular 2023-013 upang magpatuloy ang kanilang benepisyo. Kung hindi sila makasunod, posibleng masuspinde o makansela ang kanilang pensiyon. Sa pagtatapos ng 2024, mayroong 157,493 pensiyonado sa grupong ito.

Ipinaliwanag ni de Claro na kasalukuyang pinag-aaralan ng ahensya ang edad at lokasyon ng mga pensiyonado at tinitingnan nila ang posibilidad ng mas madaling paraan ng pagsunod sa mga requirements, tulad ng mga home visit ng mga tauhan ng SSS.

Bilang bahagi ng kanilang layunin na magbigay ng dagdag na pinansyal na tulong sa kanilang mga miyembro, plano rin ng SSS na bawasan ang interes sa salary at calamity loan programs na kasalukuyang nakatakda sa 10 porsyento kada taon.

-- ADVERTISEMENT --

Mula 2021 hanggang 2024, ang taunang return on investment ng SSS ay umabot sa 5.8 hanggang 6.6 porsyento, na nagpapakita ng kakayahan ng ahensya na manatiling matatag kahit sa gitna ng pandemya.

Upang mapalawak pa ang saklaw ng social security, plano rin ng SSS na mas mapabuti ang koleksyon ng kontribusyon mula sa mga self-employed na propesyonal tulad ng mga accountant, doktor, at engineer.

Dagdag pa ni de Claro, ang mga repormang ito ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng serbisyo ng SSS habang tinitiyak ang pinansyal na disiplina at sustainability ng ahensya.

Ang SSS Management at Social Security Commission ay nakatakdang tapusin at ipatupad ang mga programang ito sa loob ng taon.