Isinailalim na sa State of Calamity ang bayan ng Sta. Ana, Cagayan dahil sa pagbahang dulot ng bagyong Neneng.
Itoy sa pamamagitan ng pag-apruba ng Sangguniang Bayan sa resolusyon ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council na magiging batayan ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa at mapabilis ang rehibilitasyon at matulungan ang mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Nelson Robinion na nasa 170 pamilya o 600 indibidwal mula sa 16 na barangay ang naapektuhan ng naranasang pagbaha na nagsimula noong hatinggabi ng Sabado.
Bukod sa mga kabahayan ay binaha rin ang mga pananim na palay at mais habang naitala rin ang pagkamatay ng ilang mga alagang hayop at pagguho ng lupa.
Naitala naman sa bayan ng Aparri ang mahigit 14K indibidwal na pinakamarami mula sa halos 70K na naapektuhan ng pagbaha at landslide dulot ng bagyong Neneng sa 18 bayan sa lalawigan na una na ring naapektuhan ng nagdaang bagyong Maymay.
Mababatid na itinaas sa Signal No. 2 at 3 ang ilang bahagi ng Cagayan kahapon dahil sa Bagyong Neneng na nagdulot ng pagbaha at landslide sa bayan ng Sta. Praxdes, Lasam, Allacapan, Ballesteros, Sta Ana, Gonzaga, Sta Teresita, Aparri, Camalaniugan, Gattaran, Lal-lo, Claveria, Abulug, Calayan, Sanchez Mira, Buguey, Pamplona at Baggao.
Una na rin idineklara ang state of calamity sa bayan ng Allacapan dahil sa pinsala sa agrikultura at imprastruktura ng bagyong Maymay.
Tatlong kabahayan naman mula sa bayan ng Claveria at Sanchez Mira ang naitalang partially damaged dulot ng bagyo.
Sa isla ng Calayan kung saan naglandfall ang bagyo, sinabi ni Mayor Joseph Llopis na naramdaman ang malakas na hangin na may kasamang malakas na buhos ng ulan na nagresulta sa pagkasira ng pananim na palay na malapit nang anihin, mga saging at gulay ay naitala rin ang malaking pinsala ng bagyo sa pagkasira ng seaport o daungan sa isla.
Nasa mahigit namang kalahating milyong piso ang inisyal na pinsala sa agrikultura ng bagyo mula sa 16 na ektarya ng standing crops sa bayan ng Sta Praxedes.
Sa ngayon, sinabi ni PDRRMO head Rueli Rapsing na patuloy nilang minomonitor ang mga ilog sa paglabas o pagbaba ng tubig baha sa bayan ng Claveria, Pamplona, Ballesteros at Baggao.
Nakapaghatid na rin ng relief packs ang bawat lokal na pamahalaan katuwang ang DSWD sa mga apektadong pamilya na unti-unti nang bumabalik sa kanilang tahanan.
Passable naman lahat ang national road sa probinsya, maliban lamang sa ilang mga barangay roads at low lying bridges na binaha.
Pansamantala namang isinara sa lahat ng uri ng sasakyan ang national road sa Barangay Pancian, Pagudpud, Ilocos Norte na papasok at palabas sa lalawigan ng Cagayan dahil muling nagkaroon ng landslide at nahulog pa sa bangin at dumiretso sa dagat ang backhoe na gamit ng DPWH sa clearing operation, kasama ang ilang poste ng kuryente.
Samantala, ipinauubaya na ni Governor Manuel Mamba sa mga lokal na pamahalaan ang pagsuspinde ng klase at pasok sa mga tanggapan ng gubyerno ngayong araw.
Kaugnay nito, ilan sa mga nagkansela ng pasok sa pampubliko at pribadong paaralan at tanggapan ng gubyerno maliban sa frontline agencies ay ang bayan ng Sta Ana at Claveria habang tanging walang pasok sa lahat ng antas ng paaralan sa bayan ng Aparri, Sanchez Mira, Abulug habang nasa piling eskwelahan lamang sa Buguey at sa pre school hanggang senior high school ang sinuspinde sa Ballesteros.