Handang-handa na ang Sta Ana, Cagayan sa inaasahang pagtama sa kalupaan ng bagyong Ramon ngayong Lunes ng gabi o Martes ng umaga batay sa pinakahuling track ng PAGASA.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Nelson Robinion na mahigpit ang kanilang monitoring sa mga lugar na itinuturing na ‘high risk’ ng pagbaha at landslide.

Tiniyak ng alkalde ang kahandaan ng mga rescue at relief operations group na tutugon sa magiging epekto ng bagyo na magla-landfall sa naturang bayan subalit posible pang magbago ito depende sa tatahakin ng bagyo.

Sapat din ang supply ng pagkain para sa mga maaaring maging evacuees ng bawat barangay na maapektuhan ng pagguho ng lupa, pagtaas ng tubig malapit sa ilog at daluyong na maaaring maranasan ng mga nakatira malapit sa baybaying dagat.

Inihayag din ng alkalde na bukas na sa motorista ang kalsada sa Barangay Patunungan na una nang isinara dahil sa landslide.

-- ADVERTISEMENT --

Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Michael Conag ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na nasa 39 pamilya o 126 katao na ang inilikas sa Barangay Salungsong at Capacuan sa bayan ng Sta Praxedes dahil sa banta ng landslide.

Bukod pa ito sa 63 katao na kusang lumikas sa Barangay Cadongdongan dahil sa banta ng landslide at takot sa nakaraang pagbaha dulot ng tail end of cold front.

Samantala, nananatiling sarado ang Ilagan-Divilacan Road sa Isabela dahil sa mga naitalang pagguho ng lupa.

Bukod dito, sarado sa trapiko ang Cansan-Bagutari Overflow Bridge na kumokonekta sa bayan ng Cabagan at Sto Thomas, Isabela na lubog pa rin sa baha.

Una na rin kinansela ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa lalawigan ngayong araw para maiiwas ang mga mag-aaral sa anumang panganib sa pananalasa ng bagyo.

Maliban sa Isabela, ipapatupad na rin sa probinsiya ng Cagayan ang liquor ban na magsisimula ngayong ala 6:00 ng umaga.

Nagsuspinde na rin ng pasok mula pre-school hanggang high school sa lalawigan ng Kalinga maging sa bayan ng Conner, Pudtol at Calanasan sa lalawigan ng Apayao.