Mas paiigtingin ng Sta-Ana PNP ang paninita at panghuhuli sa mga motoristang sumusuway sa batas trapiko sa pangunahing lansangan kasunod ng naitalang magkasunod na dalawang aksidente sa kalsada ngayong buwan ng Abril.

Ayon kay PSSG. Bernabe Dayag Jr., imbestigador ng PNP-Sta Ana, nito lamang April 10 ay muling naitala ang aksidente na kinasangkutan ng dalawang motorsiklo kung saan ang isang driver na nakilalang si Joywin Corpuz, 32-anyos ng Brgy Palauig ay nakainom ng alak at walang drivers license.

Sinabi ni Dayag na napunta sa kabilang linya ng lansangan si Corpuz dahilan upang sumalpok ito sa kasalubong na motorsiklo na minamaneho ni Roger Garingan, 43-anyos ng Brgy Rapuli.

Sa lakas ng banggaan, tumama ang paa ni Garingan sa motorsiklo dahilan upang magkaroon ito ng malaking hiwa bukod pa sa mga tinamong galos sa katawan habang sugat sa ulo at gasgas ang tinamo ni Corpuz na kapwa nagpapagaling pa sa pagamutan.

Posibleng namang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in serious physical injuries and damaged to property at drunk driving si Corpuz.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na noong nakaraang Linggo, kapwa namatay ang dalawang rider ng magsalpukan ang kanilang minanehong motorsiklo sa intersection ng Brgy Visitacion sa naturang bayan.

Dahil dito, sinabi ni Dayag na asahan ang madalas na pagsasagawa ng police checkpoint sa bayan ng Sta Ana upang masawata o mabawasan ang mga aksidenteng naitatala.