OPAL E. BALA

TUGUEGARAO CITY- Idineklara ang state of calamity sa Batanes bunsod ng malaking pinsala na iniwan ng bagyong ” Kiko”.

Sinabi ni Governor Marilou Cayco, na bukod sa maraming nasirang bahay ay inilipad din ng malakas na hangin ang bubong ng kanilang kapitolyo, mga paaralan at iba pang gusali.

Bukod dito, sinabi ni Cayco na maraming poste ng kuryente at mga punong-kahoy ang natumba.

Sa pahayag ng Batanes Electric Cooperative o BATANELCO, aabutin ng tatlong buwan bago maibalik ang supply ng kanilang kuryente.

Dahil dito, iminungkahi ng BATANELCO na hihingi sila ng tulong sa Cagayan Electric Cooperative at maging sa MERALCO para sa pagsasaayos ng kanilang kuryente.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, sinabi ng gobernador na kailangan na fully vaccinated, may RT-PCR test at ma-quarantine ng 7 days ang mga papasok sa Batanes para matiyak na walang magdadala ng covid-19 dahil iisa lang ang kanilang active case ng virus sa kasalukuyan.

Idinagdag pa ni Cayco na ang initial report na dumating sa kanyang tangapan na pinsala ng bagyo ay sa sektor pa lamang ng agrikultura na umaabot sa P40 milyon.

Ayon naman aniya sa MSWDO, 60 percent ng mahigit sa 18,000 population ng Batanes ang naapektuhan ng bagyo kung saan may siyam na nasugatan.

Dahil dito, sinabi niya na humingi na rin sila ng tulong sa NDRRMC at OCD Region 2 para sa mabilis na pagdadala sa lalawigan ng NFA rice bagamat mayroon pa silang mahigit 2,000 sako ng bigas ay magtatagal lamang ito ng isang Linggo.