Isinailalim na rin sa “State of Calamity” ang lalawigan ng Cagayan dahil sa pinsalang iniwan ng bagyong “Julian”.
Ayon kay Rueli Rapsing ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), inaprubahan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ang rekomendasyon ng PDRRM Council sa pagdeklara ng State of Calamity kahapon.
Aniya, batay sa kanilang inisyal na datos ay umaabot na sa P800 milyon ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyo sa iba’t ibang sektor.
Pinakamarami sa nasira ay sa agrikultura na may mahigit P791M; livestock ay mahigit P2M at sa imprastraktura naman ay mahigit P100K.
Sinabi ni Rapsing na ang nasabing halaga ng nasira ay madadagdagan pa dahil hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang kanilang pagkuha ng datos sa mga bayan na naapektuhan ng bagyo.
Kaugnay rito, magagamit ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang P36 milyon na manggagaling sa “quick response fund” na panggagalingan sa mga ibibigay na tulong sa mga naapektuhan ng naturang bagyo.