TUGUEGARAO CITY- Idineklara na ang state of calamity sa Itbayat, Batanes.
Sinabi ni Governor Marilou Cayco na sa ngayon ay hinihintay nila ang iba pang dokumento para ideklara ang state of calamity sa buong lalawigan para sa mas mabilis na aksion at paglalaan ng pondo dahil sa matinding pinsala na iniwan ng mga pagyanig sa Itbayat.
Sinabi niya na kailangan ng total rehabilitation sa Itbayat.
Idinagda pa ni Cayco na batay sa pagtaya ng Department of Public Works and Highways na aabutin ng bilyon halaga ng mga pinsala sa mga nasirang mga bahay at mga gusali sa Itbayat.
Sinabi niya na nananatili sa plaza ang mga residente ng Itbayat gamit ang mga tent dahil sa hindi sila pinapayagan na makauwi sa kanilang mga bahay dahil hindi umano ligtas bunsod ng mga aftershocks ng magkasunod na 5.4 at 5.9 na lindol na tumama noong Sabado ng umaga.
Ayon pa kay Cayco, pumasok naman ang mga empleado ng munisipyo ng Itbayat subalit sa labas na sila nagtatrabaho.
Maging ang mga pasyente sa nasabing bayan ay nasa labas pa rin ng ospital.