
Idineklara ng lokal na pamahalaan ng Roxas City, Capiz ang state of calamity ngayong Linggo, Oktubre 19, dahil sa patuloy na pag-ulan at pagbaha na dulot ng Bagyong Ramil.
Sa isinagawang special session ng Sangguniang Panlungsod, inaprubahan ng konseho ang Resolution 263-2025 na inihain ni Konsehal Fernando Luis Viterbo, na naglalayong bigyang-daan ang agarang pagtugon sa mga naapektuhan.
Batay sa resolusyon, maraming residente ang napilitang lumikas dahil sa pagbaha, habang nasira ang ilang kabahayan, pananim, kabuhayan, at mga imprastruktura sa lungsod.
Naghatid na ng mga food packs at relief goods ang DSWD sa mga evacuation center, kabilang ang nasa Barangay Culasi.
Samantala, si Bagyong Ramil ay kasalukuyang nasa West Philippine Sea at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng umaga.
Gayunpaman, nananatiling nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ang ilang bahagi ng Luzon.