Inirekomenda na ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa Sangguniang panlalawigan na isailalim sa state of calamity ang buong Batanes dahil sa lawak ng pinsala ng bagyong Julian.

Ayon kay Roldan Esdicul ng PDRRMO, inaasahang aaprubahan ngayong araw ang naturang rekomendasyon dahil tinatayang nasa 90% ang lawak ng pinsala ng bagyo sa imprastruktura at agrikultura.

Bukod sa government infrastructures na natanggalan nang bubong at nasira ay maraming kabahayan ang totally damaged at partially damaged habang malaki rin ang pinsala ng bagyo sa mga pananim tulad ng root crops at iba pang gulay.

Hindi rin nakaligtas sa hagupit ng bagyo ang nakaparadang tatlong islander plane sa Basco airport na nasira dahil sa malakas na hangin sa kabila nang pagkakatali nito.

Magpapatuloy naman ngayong araw ang clearing operations at Rapid Damage Assessment and Needs Analysis upang matukoy ang halaga ng pinsala ng mga nasirang pananim, kabahayan at maging sa imprastraktura.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan ay hirap pa rin ang komunikasyon sa lalawigan at nananatiling walang suplay ng kuryente dahil sa mga tumumbang poste ng kuryente.

Wala namang naiulat na nasawi pero may mga naitalang 13 nasugatan dahil sa bagyo kung saan nananatili sa pagamutan ang isa.

Nanawagan naman si Esdicul ng malinis na maiinom na tubig, pagkain, at construction materials habang nakikipag-ugnayan na rin ang lalawigan sa kinaukulang ahensya para sa shelter assistance sa mga pamilyang nawalan ng tirahan.

Samantala, aabot naman sa 108 turista ang nananatiling stranded sa isla kung saan humingi na ng tulong ang Batanes sa PAF para makauwi na ang mga ito.

Magugunita na pinakamatinding naapektuhan sa pananalasa ng bagyong Julian ay ang lalawigan ng Batanes na dumanas ng typhoon signal number 4.