TUGUEGARAO CITY- Nakatakdang magdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Cagayan dahil sa coronavirus o covid-19.
Ito ay matapos na irekomenda ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC sa kanilang pulong kaninang umaga upang mas higit na matugunan ang problema sa covid-19.
Sinabi ni Governor Manuel Mamba na magpapasa sila ng resolution sa Sangguniang Panlalawigan para sa pag-apruba sa state of calamity.
Idinagdag pa ni Mamba na magpapatupad siya ng lockdown sa buong lalawigan kung kinakailangan.
Samantala, kinansela na rin ang pasok sa lahat ng antas sa pribado at pampubliko sa Cagayan simula ngayong araw.
Iiral ang class suspension hanggang Marso 28,2020.
Kasabay nito, nanawagan si Mamba sa lahat na makipagtulungan upang mapigilan na magkaroon ng kaso ng covid-19 sa lalawigan.