TUGUEGARAO CITY-Maglulunsad ng State Of the Youth Address (SOYA) ang grupo ng mga kabataan sa Cagayan sa araw ng Linggo, Hulyo 26, 2020 , isang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa araw ng Lunes.
Ayon kay Joshua Ching-To, chairperson ng Kabataan Cagayan Valley, ilalabas ng kanilang grupo ang kanilang hinaing tulad ng walang klarong pagbibigay ng detalye para sa nalalapit na pasukan at pagbibigay ng libreng mass testing para malabanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (covid-19).
Aniya, ipapakita ng grupo na nagkakaisa ang mga kabataan para bigyan ng solusyon ang mga problema sa bayan lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Una rito, sinabi ni Ching-To na nagsagawa na rin ang kanilang grupo ng Pre-Soya kung saan ilang mga media personnel at iba pang sektor ang kanilang inimbita, kamakailan.
Ilan sa mga nakasaad sa kanilang pre-sona ay ang muling pagbalik ng operasyon ng giant network na ABS-CBN at pagbasura sa Anti-terrorism Law.
Sinabi ni Ching-to,hindi napapanahon ang naturang hakbang ng gobyerno dahil trabaho at edukasyon ang dapat na tinututukan para mabigyan ng quality education ang mga kabataan sa kabila ng kinakaharap na pandemya.