Inihayag ng state witness na si dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara na nakalikom umano siya ng P90 milyong commitment o kickback fee na nakalaan para kay dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. kaugnay ng kontrobersyal na flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa pagdinig ng kasong graft sa Sandiganbayan, sinabi ni Alcantara na inutusan umano siya ng dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na tipunin ang naturang halaga mula sa advance payments ng mga contractor.

Ayon kay Alcantara, ipinadala umano ang pera kay Bernardo sa pamamagitan ng kanyang driver sa isang hotel sa Roxas Boulevard gamit ang apat hanggang limang kahon na naglalaman ng tig-higit P20 milyong cash.

Gayunman, sinabi niyang wala siyang katiyakan kung natanggap nga ni Revilla ang buong halaga.

Ipinahayag din ni Alcantara na nilagdaan niya ang mga dokumentong nag-apruba sa pagbabayad para sa P92.8 milyong flood control project dahil sa mga ulat at larawan na isinumite sa kanya ng kanyang mga tauhan na nagsasabing natapos ang proyekto.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, kung nalaman lamang niyang hindi umiiral ang proyekto, hindi niya sana nilagdaan ang mga kaukulang dokumento.