Pormal nang binuksan ang steel craneway ng Tuguegarao-Solana Bridge bilang alternatibong ruta sa mahigit 50-taong gulang na Buntun Bridge ngayong araw, Disyembre 19 sa Calamagui, Solana, Cagayan.
Bagama’t pansamantala lamang ang tulay, inaasahan ang pagpapatupad ng “window hours” para sa mga sasakyang daraan upang bigyang-daan ang patuloy na konstruksiyon ng pangunahing tulay.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 02, ang craneway ay sadyang ginawa para sa mga mabibigat na kagamitan sa paggawa ng tulay, ngunit binuksan din ito para sa magaan na sasakyan bilang tulong sa mga motorista habang katulad na sistema ang ipinatupad sa Amulung Bridge sa bayan ng Amulung upang makatawid ang mga sasakyan sa Ilog Cagayan habang ginagawa ang pangunahing tulay.
Mula sa Barangay Calamagui, Solana, ang kabilang dulo ng tulay ay aabutin lamang na walong minuto ang biyahe papuntang Tuguegarao City, kumpara sa mahigit 45 minutong biyahe kung dadaan sa Buntun Bridge.
Ikinatuwa naman ni Solana Mayor Jenalyn Carag ang pagbubukas ng tulay kahit pansamantala lamang.
Ayon sa kanya, malaking ginhawa ito para sa kanilang bayan dahil makakatipid ito ng oras at pera, magpapalago ng ekonomiya, at magiging mas malapit ang koneksyon sa Tuguegarao City at mga kalapit na lugar.
Nabatid na ang steel craneway ng Tuguegarao-Solana Bridge ay pinondohan ng umaabot sa ₱3 Bilyong piso na inumpisahan noong March 15 2023 at natapos ngyaung buwan ng disyembre 2024
Ang proyekto ay itinuturing na makabuluhang hakbang upang maibsan ang bigat ng trapiko sa mahigit 50-taong gulang na Buntun Bridge, at upang mapadali ang biyahe ng mga motorista at komersyo sa Tuguegarao City at Solana.