TUGUEGARAO CITY – Umarangkada na sa lalawigan ng Cagayan ang small-scale at gradual implementation ng Step 2 ng Philippine Identification System (Philsys) registration para sa mga indibidwal na nakapagtapos na sa unang step ng registration noong nakaraang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Director Marilyn Estrada ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region 2 na sinimulan sa bayan ng Peñablanca ang validation ng mga dokumento at pagkuha ng biometric information gaya ng fingerprint, iris scan at pagkuha ng litrato.

Ang Peñablanca ang unang bayan sa probinsiya ng Cagayan na unang sumabak sa Step 2 ng National ID System dahil sa kahandaan ng LGU, may mababang covid cases at malakas na internet connection.

Gayunman, inihayag ni Elena Rivera, Chief, PSA-Cagayan na isusunod ang ibang mga bayan sa probinsiya tulad ng Tuguegarao City, Enrile at Sto Niño para sa pagsasagawa ng Step 2 ng National ID System.

Sinabi naman ni Minerva Maramag, Municipal Civil Registrar ng Peñablanca na kailangan lamang na magdala ng isang valid identification card o kung wala ay maaaring ipakita ang kopya ng birth certificate na galing sa Civil Registrar.

-- ADVERTISEMENT --

Target ng PSA- Cagayan na tapusin ang registration ng 348,000 indibidwal na nakuhanan ng demograpic information noong nakaraang taon.

Sila ang itinuturing na kabilang sa mga low income families na nasa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa ilalim ng sistema, mapapadali nito ang mga proseso sa pribado at pampubliko tulad ng sistematikong pamamahagi ng amelioration at iba pang mga ayuda dahil nakapaloob na sa ID ang mahahalagang impormasyon ng isang indibidwal.

Samantala, February 9 ng kasalukuyang taon nang simulan naman sa bayan ng Reina Mercedes sa lalawigan ng Isabela ang registration para sa Step 2 ng National ID system.